Ilang Barangay officials nakatatanggap ng banta sa buhay – PNP
Limang buwan bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE), may mga barangay official na raw ang nakatatanggap ng banta sa kanilang buhay.
Ilan daw sa mga ito ang personal na sumulat sa opisina ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda para humingi ng dagdag na seguridad.
Sinabi ni Gen. Acorda, “Most likely, ang nakikita natin na threat diyan at yung magiging cause of mga flash points ay yung intense political rivalry. Yan ang major talagang babantayan natin. So we will be looking into this historical data kung sino yung talaga yung medyo may presence of intense political rivalry.”
Pinayuhan naman sila ng Heneral na mag-apply ng gun ban exemption sa Commission on Elections (COMELEC) na magsisimulang tumanggap ng aplikasyon sa June 5.
Maari rin daw silang humingi ng police escort mula sa Police Security and Protection Group (PSPG) na dadaan din sa COMELEC.
Ayon pa kay Acorda, “We are taking all the measures na kaya namin gawin just to really provide yung appropriate security and to avoid any further attack or violence against these persons that are reporting yung risk of their life.”
Kasabay ng pina-igting na operasyon laban sa loose firearms o mga hindi lisensyadong baril, patuloy din ang paghikayat nila sa licensed gun owner na i-renew ang mga pasong lisensya.
Sa tala ng Directorate for Operations, aabot sa 600,000 ang may un-renewed license.
Kabilang dito ang mahigit sa tig-9,000 baril na personal na pag-aari ng mga pulis at sundalo.
Paliwanag ni Police Brig. Gen. Leo Francisco, director ng PNP Directorate for Operations, “Ang focus naming ngayon is the PNP and the AFP first to renew their un-renewed firearms para maging modelo kami at yung mga civilian firearm holders ay ma-encourage na mag-renew ng kanilang firearms.”
Habang papalapit ang eleksyon, mahigpit din na binabantayan ng PNP ang 48 private armed groups na maaring magamit ng mga pulitiko.
Mar Gabriel