Kongresista nagbanta sa posibleng pagsasara ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad dahil sa P6B utang ng CHED
Nababahala si House Senior Deputy Minority Leader Paul Daza sa posibleng pagsasara ng mga Private Universities and Colleges.
Ito’y dahil sa kabiguan ng Commission on Higher Education (CHED) na mabayaran ang nasa P6 bilyong pagkaka-utang ng ahensya sa nasabing mga eskwelahan.
Sinabi ni Daza na may pagkaka-utang ang CHED sa mga nasabing Private Universities and Colleges dahil sa hindi pagbabayad sa Tertiary Education Financial Assistance para sa mahihirap na mag-aaral sa ilalim ng Republic Act 10931 o Free Access to Tertiary Education Act.
Sa pagdinig ng House Commission on Higher Education, lumabas ang kakulangan sa pondong inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) sa CHED para sa tertiary education financial assistance.
Inihayag ng Kongresista na tututukan niya sa House Committee on Appropriations ang usapin sa sandaling talakayin na ang 2024 proposed national budget ng CHED.
Ito’y upang matiyak na mabibigyan ng sapat na pondo ang tertiary education financial assistance para mabayaran na ang mga Private Universities and Colleges.
Dahil sa pagkukulang ng CHED na bayaran ang mga pribadong eskwelahan, umabot sa 44% ang college dropout sa hanay ng mahihirap na estudyante.
Iminungkahi din ni Daza sa CHED na gamitin na ang P10.1 billion na pondo nito na nakalaaan sa Higher Education Development Fund, na tinututulan naman ni CHED Commissioner Prospero de Vera.
Vic Somintac