Mga investors nag-aabang na para mamuhunan sa Maharlika Investment Fund
May mga kumpanya na umanong handang maglagak ng investment sa Pilipinas sa ilalim ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Ayon kay Senador Mark Villar, maraming kumpanya na ang nag-inquire sa pamamagitan ng National Economic Development Authority (NEDA) pero hinihintay pang maisabatas ang pagbuo ng Maharlika Investment Corporation bago magbigay ng kanilang commitment.
Tumanggi na ang Senador na tukuyin ang mga kumpanyang interesado pero ang mga ito aniya ay nakipag-usap na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilan nitong mga byahe sa abroad.
“Marami po ang interesado mag-invest sa Pilipinas, nakikita nila malaki ang potensyal ng bansa natin dahil masigla ang ating demokrasya. I believe in the very near future, there will be more investment through Maharlika,” paliwanag ni Sen. Villar.
Ipinau-ubaya naman ng Senado kay Pangulong Marcos ang pagpili kung sino ang itatalagang pinuno ng MIC.
May itinakda naman aniyang requirements sa ilalim ng batas sa maaring italaga sa korporasyon para matiyak na lalago ang investment.
“I’m sure kung sino ang pipiliin niya, very qualified and will be someone very respected whose integrity is unquestionable,” dagdag pa ni Villar.
Apela naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri, bigyan ng tyansa ang Maharlika Investment Fund dahil magpapasigla ito sa ekonomiya ng Pilipinas at lilikha ng mas maraming trabaho.
Batay aniya sa mga pag-aaral, lumago ang ekonomiya ng 90 bansa sa buong mundo dahil sa kanilang sovereign wealth fund
Sa Malaysia lang aniya pumalpak ang investment dahil tiwali rin ang nangasiwa ng pondo
Hindi aniya dapat matakot ang publiko dahil pinagbuti ng Senado ang MIF laban sa anumang uri ng pang aabuso.
“Almost 99% of other sovereign wealth funds have been very successful. Have Temasek Foundation for one and many others who have invested, heavily invested in their countries and in other funds kung saan lumago yung pera nila. So let’s give it a chance. I think some people are saying hindi natin kayang mag-management ng ganyan, hindi kaya ng Pilipino yan,” pagdidiin pa ng Senate President.
“You know, why do we put the Filipino down? Di ba, madaming Pilipino sa United Nations, sa World Bank, sa WHO, sa IMF, sa Asian Development Bank (ADB) na magagaling and they are well-respected and reputable people. These are the same people that we will sure to run the Maharlika Investment Corporation,” dagdag pa ni Zubiri.
Meanne Corvera