Pagpapatalsik kay Cong. Teves nananatiling opsyon pero wala pa sa konsiderasyon ayon sa Kamara
Hindi pa masasagot ng House Ethics Committee kung papatawan ng mas mabigat na parusa o expulsion si suspended Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves, Jr.
Sa harap ito ng panibagong 60-araw na extended suspension na ipinataw ng Kamara kay Teves dahil sa patuloy na pagtanggi nitong umuwi ng bansa.
Sa botohan sa plenaryo, kinatigan ng nasa 285 kongresista ang rekomendasyon ng House Ethics Committee habang walang tumutol, samantalang may isang abstention.
Tinanggal na rin si Teves bilang Vice Chairman ng House Committee on Games and Amusement at bilang miyembro ng Committee on Legislative Franchises at Committee on Nuclear Energy.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program na Ano sa Palagay Nyo? (ASPN), sinabi ni House Ethics Committee chairman, Congressman Felimon Espares na hindi pa niya direktang masasagot kung darating ang pagkakataong patatalsikin si Teves bilang kongresista.
“Nandun ang option, at saka wala naman sigurong ibig sabihin doon na pag may panibagong disorderly behavior may kaniya-kaniyang karampatang parusa yon, so, it’s up for the magnitude of the offense niya ulit, syempre baka mapwersa na rin yung House later on na pag ganyan palagi, pabalik-balik na may mga ginagawa pa rin other than the previous, hindi natin ma-under estimate yung mga possible sanctions dito noh, huwag naman sana, kasi ayaw rin natin na… so, wala pang mga ganyan na pwede ko i-discuss at this time, the Committee is only bound with the possible sanctions na nararapat,” pahayag ni Espares.
Sa hiwalay na panayam din ng ASPN, sinabi naman ni Atty. Toby Diokno, abugado ni Congressman Teves, na dismayado ang kongresista sa panibagong suspensyon na ipinataw sa kaniya ng Kamara.
Iginigiit ng kampo ni Teves na hindi siya nabigyan ng pagkakataong i-prisinta ang kaniyang panig.
Handa rin daw itong daluhan ang mga sesyon para gawin ang kaniyang trabaho bilang kongresista ngunit hindi siya pinahintulutan ng Kamara.
“Nalungkot siya at disappointed sa naging desisyon ng Congress, una hindi naman siya nabigyan ng pagkakataon na ma-air yung side niya, kasi may legitimate na dahilan naman siya kung bakit hindi siya naka-uwi, siguro kung nabigyan siya ng pagkakataon na makapag-participate, kahit papaano ng semblance of fairness yung proceedings” paliwanag ni Atty. Diokno.
Tinutukoy ng abugado ni Teves ang sinasabing tangka sa buhay at seguridad ng kongresista at ng kaniyang pamilya.
Sabi pa ng abugado, nais ni Teves na makadalo sa proceedings sa pamamagitan ng virtual attendance na hindi rin pinahintulutan ng Kamara.
“I’m sure kung papayagan siya, a-attend yun, kung papayagan siya ng virtually a-attend yun… I’m sure pwede pagbigyan ng exception yun eh, tutal ginagawa na yun sa lahat, hindi lang sa gobyerno kundi lahat ng meetings ay possible eh,” pahayag pa ng abugado.
Pero nanindigan si Congressman Espares na ito ang rules na umiiral sa Kamara.
Binigyang-diin pa ni Espares na maaari siyang payagan dumalo virtually kung siya ay nasa Embahada o lugar na may control ang gobyerno ng Pilipinas.
Gayunman, taliwas daw dito ang sitwasyon.
Sa isyu ng banta sa seguridad, sinabi ni Espares na halos lahat ng mga dumalong resource person gaya ng pulisya at iba pang opisyal ng gobyerno ay mayroon ding banta sa kanilang buhay.
“We are just only consistent with what we agree, made before mga meetings na physical or at the control ng ating government yung kung sinuman, kasi under oath yan eh, it should be within the Embassy ng PIlipinas,” dagdag pa ni Cong. Espares.
Weng dela Fuente