Presyo ng bigas tumataas kahit nakapagtala ng mabagal na inflation rate – PSA
Patuloy na tumataas ang presyo ng bigas.
Sa kabila ito ng pagbaba sa presyo ng ilang produktong pagkain na nagbunsod sa pagbagal ng inflation rate noong nakaraang Mayo sa 6.1%.
Sinabi ni National Statistician Undersecretary Dennis Mapa ng Philippine Statistics Authority (PSA), mula Enero ngayong taon patuloy ang pagtaas sa presyo ng kada kilo ng well-milled rice.
Sumirit din ang presyo ng sibuyas.
Sa monitoring ng PSA, tumaas ng halos 30% ang presyo ng sibuyas noong Mayo.
Katunayan, umabot na sa P187/kg ang presyo ng pulang sibuyas noong Mayo kumpara sa P164/kg noong Abril.
Habang ang puting sibuyas ay umabot sa P180kg noong Mayo mula sa P152/kg noong Abril.
Kahit bumagal ang inflation, nananatili pa rin itong mataas sa target ng gobyerno na 2% hanggang 4%.
Bukod sa presyo ng ilang produktong pagkain, naka-impluwensya rin sa pagbagal ng inflation rate o presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo ang pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo, gayundin ang pagbaba sa presyo ng karne gaya ng manok at isda, gatas, itlog at iba pang dairy products.
Unti-unti na ring bumababa ang presyo ng asukal.
Meanne Corvera