Dating Senador Biazon pumanaw na sa edad 88
Pumanaw na sa edad na 88 si dating Senador Rodolfo Biazon.
Ito ang inanunsyo ng kaniyang anak na si Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon sa kaniyang social media.
Pasado alas-ocho y medya ng umaga ngayong June 12 nang ideklara ang pagpanaw ng dating mambabatas na nagsilbi rin bilang isang military general.
Sa statement, sinabi ni Mayor Biazon na nakipaglaban sa lung cancer ang kaniyang ama matapos itong ma-diagnosed noong Hulyo ng nakaraang taon at isinailalim sa treatment mula noon.
“This year, however, he caught pneumonia twice, the second being more serious than the first which had further weakened his lungs,” pahayag ng nakababatang Biazon sa kaniyang statement.
“He courageously fought his last battle like a Marine would, but it is the Lord’s will which prevails.”
“We send of a warrior and gentleman, secure in the knowledge that the faithful servant has fought the good fight and has finished the race,” dagdag pa ni Mayor Biazon.
Binanggit din ng nakababatang Biazon na ang pagpanaw ng kaniyang ama sa mismong “Araw ng Kalayaan” ay isang perpektong pagkakataon para sa paglisan ng dating military officer.
Nagsilbi ang matandang Biazon bilang heneral sa Philippine Marine Corps (PMC) at naitala sa kasaysayan bilang pinakamaikling nagsilbi bilang hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino.
Dalawang ulit siyang nagsilbi bilang senador noong 1992 hanggang 1995 at 1998 hanggang 2010.
Mula naman 2010 hanggang 2016 ay umupo ito bilang kongresista sa lone district ng Muntinlupa City.
Nagpasalamat naman ang kaniyang pamilya sa lahat ng sumusuporta sa kanila sa panahon ng pagdadalamhati.
“The family is grateful that we were able to spend his last moments with us intimately and peacefully.”
“We thank everyone who have given their support, love and friendship to Papa during his active years and in the twilight of his life,” dagdag na pahayag pa ni Mayor Biazon.
Wala pang anunsyo sa detalye ng burol at libing para kay dating Senator Biazon.
Weng dela Fuente