Bulkang Mayon nagsimula nang maglabas ng lava – PHIVOLCS
Nagsimula nang maglabas ng lava mula sa summit crater ang Bulkang Mayon na namataan kagabi, June 11, bandang alas-7:47 ng gabi.
Sa pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), namataan ang lava flow sa loob ng 500 metro sa Bonga at Miisi Gullies na bumagsak sa loob ng dalawang kilometro mula sa crater.
Inilabas ng PHIVOLCS ang larawan at thermal camera images na kuha mula sa Mayon Volcano Observatory.
Sa nakalipas na 24-oras, nakapagtala ang mayon ng 21 mahihinang volcanic earthquakes at 260 rockfall events.
Naitala rin ang 3 dome-collapse pyroclastic density currents (PDC) na tumagal ng dalawa hanggang apat na minuto.
Nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon dahil sa bagabag na dala ng magma sa crater o bunganga ng bulkan.
Ayon sa PHIVOLCS, posible pa rin ang hazardous eruption sa loob ng ilang araw o linggo.
Isa sa mga senyales ng pagtaas ng volcanic unrest sa Mayon ay ang pagkakabuo ng bagong lava dome.
Weng dela Fuente