Kalayaan sa kahirapan, mensahe ni House Speaker Romualdez sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Araw ng Kalayaan
Nanawagan si House Speaker Martin Romualdez sa sambahayang Pilipino, na buhayin ang espiritu ng kabayanihan na ipinakita ni Gat Andres Bonifacio at iba pang bayani na nakipaglaban sa kalayaan ng bansa sa kamay ng mga mananakop na dayuhan.
Ito ang mensahe ni speaker Romualdez sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng kasarinlan ng Pilipinas, na may temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan” sa Bonifacio Monument sa lungsod ng Caloocan.
Sinabi ni Romualdez, na dapat pag-aralan ang landas na tinahak ng mga bayani na nagbigay-daan para sa kalayaan na tinatamasa natin ngayon.
Aniya, “Sa araw na ito, napapanahon na sariwain ang mga aral na ibinigay ni Gat Andres at lahat ng bayaning nagbuwis ng buhay sa altar ng kalayaan. Panahon ito para balikan din natin ang kasaysayan tungo sa kalayaan at matuto sa mga aral ng nakaraan.”
Ayon kay Romualdez, hindi mailalatag ang daan para sa magandang kinabukasan ng bayan kung hindi natin tutularan ang mga bayani na ipinaglaban ang kalayaan.
Inihayag ni Romualdez na dapat ding labanan ang kahirapan upang matamo ang kalayaan.
Pahayag niya, “Walang ganap na kalayaan kung may naghihirap pa rin sa lupang tinubuan. Ang laban para sa kalayaan ay hindi lamang himagsikan laban sa mga mananakop. Laban din ito para wakasan ang kagutuman. Laban para maranasan ang ginhawa sa buhay. Laban para matiyak ang magandang kinabukasan. “
“Sa araw na ito, gisingin natin ang kabayanihan sa bawat isa sa atin. Maging bayani para iangat ang buhay ng pamilya. Kumilos para maging bahagi ng solusyon sa mga problema ng bayan. Maging bayani para sa bansa at para sa kapwa,” dagdag pa niya.
Vic Somintac