Tangkang pagpapatakas ng ASG sa ilang PDLs sa Zamboanga City, naharang ng BuCor personnel
Nadiskubre at napigilan umano ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang sinasabing tangka na pagpapatakas ng ilang inmates sa San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City at paghahasik ng kaguluhan sa lalawigan noong Pebrero.
Ito ang inihayag ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., sa programa ng kawanihan para sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.
Ayon kay Catapang, noong gabi ng Pebrero 13 ay nakatanggap ng impormasyon ang BuCor personnel mula sa reliable source na may plano ang ilang preso na pumuga sa penal farm sa tulong ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Nabuo umano ang plano noong Nobyembre ng nakaraang taon sa Messenger account na pagmamay-ari ng PDL na si Sahid Alip at pagkatapos ay nag-recruit ito ng ibang inmates para sumama sa kaniya.
Batay pa aniya sa informant, may diversionary tactics ng pambobomba ang isasagawa sa Zamboanga kasabay ng pagpuga ng mga sangkot na PDLs.
Ipinabatid naman ng BuCor ang impormasyon sa Philippine National Police (PNP) Region 9 at local government units (LGUs) at dinagdagan ang seguridad sa SRPPF.
Kaugnay nito ay pinarangalan ng BuCor ang pitong tauhan ng kawanihan na nakahadlang sa sinasabing mass escape.
Kabilang sa ginawaran ng pagkilala si Supt. Vic Domingo F. Suyat na Superintendent ng SRPPF.
Moira Encina