UAE nagdonate ng 50 tonelada ng food items at gamot para sa Albay
Nagdonate ang gobyerno ng United Arab Emirates ng nasa 50 tonelada ng iba’t ibang uri ng food items para sa mga residente ng Albay na naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Mayon.
Sakay ng Etihad Airways plane ang food shipment ng UAE at dumating nitong Lunes, June 12, sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Magkasamang tinanggap nina Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian, Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Transportation Secretary Jaime Bautista at DSWD Undersecretary Dianne Cajipe ang donasyong pagkain at gamot ng UAE government.
Nagpasalamat naman si Gatchalian sa tulong na pahatid ng UAE government.
“We thank the UAE government and the Royal family for their generosity in sending the much-needed humanitarian aid for those affected by Mayon’s volcanic activities,” pasasalamat ni Sec. Gatchalian.
Dagdag pa ng DSWD chief, mismong si UAE Ambassador to the Philippines, Mohamed Obaid Salem Alqataam Alzaabi, ang humiling na makapagpadala ng humanitarian aid ang kanilang gobyerno sa harap ng forced evacuation sa lalawigan ng Albay dahil sa pag-aalburuto ng Mayon Volcano.
Agad namang tumugon si UAE President, His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan at iniutos ang pagpapadala ng 50 tonelada ng humanitarian aid sa Pilipinas sa loob lang ng 24-oras.
Ipinangako naman ni Sec. Gatchalian na agad ding ipapadala sa mga nangangailangang kababayan na biktima ng Mayon ang humanitarian aid.
Samantala, karagdagang 38,000 family food packs (FFPs) ang nai-turn over ng kagawaran sa DSWD Bicol Regional Office noong nakaraang Linggo, June 11, na tatagal sa loob ng 15 araw.
“Nag-utos ang Pangulo noong June 11, nag-usap kami noong umaga, na pwede ring pumasok sa financial assistance [ang DSWD]. Ide-determine pa naming ng provincial government [of Albay] kung magkano,”
Weng dela Fuente