Taguig LGU dumulog sa Korte Suprema para pagpaliwanagin ang Makati City LGU sa binubuhay na usapin ng Taguig-Makati territorial dispute
Nais ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig na pagpaliwanagin ng Korte Suprema si Makati City Mayor Abigail Binay, ukol sa mga pahayag nito sa umano’y muling pagbubukas ng kaso ukol sa agawan ng teritoryo ng dalawang lungsod.
Sa extremely urgent manifestation na inihain ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, hiniling nito na magpalabas ang Supreme Court ng show cause order laban kay Binay.
Partikular na iginiit ng Taguig LGU na ipaliwanag ng alkalde ng Makati ang naging pahayag nito sa sinasabing natanggap na kautusan mula sa SC, na nagtatakda ng oral arguments sa kaso ng Fort Bonifacio Military Reservation Areas kung nasaan ang Bonifacio Global City (BGC).
Ayon kay Cayetano, nababahala sila sa mga pahayag ni Binay at sa mga kumakalat na post sa social media na nagsasabing kinausap ng Makati Mayor sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at Chief Justice Alexander Gesmundo na nangakong muling bubuksan ang usapin.
Sinabi ng Taguig Mayor na bagamat fake news ang sinabi ni Binay at ang mga social media posts dahil pinal na ang ruling ng SC na nagdideklara na bahagi ng Taguig ang Fort Bonifacio areas kabilang ang BGC, ay lumalabas na may tangka na pakialaman ang independence ng hudikatura.
Sinabi pa ng opisyal na isang abogado si Binay kaya marapat na imbestigahan ito sa mga nakababahalang pahayag ukol sa kaso.
Una nang itinanggi ni Supreme Court Spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka, na may ipinatawag na oral arguments ang Korte Suprema sa BGC issue.
Moira Encina