COMELEC magdaraos ng consultation para sa BSKE postponement sa Negros Oriental
Nakatakdang magsagawa ng public consultation hearing ang Commission on Elections (COMELEC) sa lahat ng bayan sa Negros Oriental, para sa mungkahing suspensyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa lalawigan.
Sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na idaraos ang pagdinig sa lalawigan simula sa June 23 hanggang 26.
Sa pagharap na ginawa ni Garcia sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, lumutang ang mga panawagan para ipagpaliban ang BSKE sa Negros Oriental sa harap ng pagpaslang kay Governor Roel Degamo at iba pang kaso ng pagpatay sa lalawigan.
Sinabi ni Garcia na may karapatan ang COMELEC na ipagpaliban ang halalan sa loob ng 30 araw, ngunit kailangang matiyak ang sapat na batayan.
“Titingnan po namin kung yun bang mga reasons kung bakit dapat mag-postpone ay present,” pahayag ni Chairman Garcia sa panayam ng NET25 TV/Radyo program na Ano sa Palagay Nyo? (ASPN).
Binigyang-diin ng COMELEC chief, “Hindi po pwede karaka-raka ay magpo-postpone ang COMELEC ng isang eleksyon sa isang lugar, kung kaya’t ngayon pong June 23 to 26 ay magkakaroon po kami ng pagdinig sa buong probinsya, sa lahat po ng bayan, magkakaroon kami ng public hearing upang alamin ang sentimyento ng mga kababayan natin, mga NGO doon, kahit po ang PNP at AFP tungkol sa posibilidad ng pagpo-postpone ng BSKE.”
Sinabi ni Garcia na may magandang rason ang mga nagtutulak ng BSKE postponement sa lalawigan.
Pero kailangan aniyang balansehin ito para hindi rin ma-kuwestiyon ang kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para pangasiwaan ang isang malinis at maayos na halalan.
Hindi rin agad makapagbababa ng desisyon ang COMELEC at posible aniya ito sa unang linggo pa ng Oktubre.
Paliwanag ni Garcia, “Babalansehin po ng COMELEC yan and therefore we will come up with our decision to postpone or whether to reset the Barangay and SK Elections in Negros by first week po of October.”
Dagdag pa ng opisyal, “Pero po magkakaroon muna kami ng pagdinig, dapat po muna pakinggan ang mga kababayan natin, hindi basta declare sapagkat unfair din po yan doon sa mga umaasa na magkakaroon ng eleksyon.”
Weng dela Fuente