Ayuda para sa 90-araw ipinatiyak ni PBBM para sa Mayon evacuees
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng ahensya ng gobyerno na tiyaking maipagkaloob ang 90-araw na relief assistance sa mga evacuees mula sa Bulkang Mayon.
90-araw ang maximum period sa pag-a-alburuto ng Mayon Volcano, batay sa karanasan.
Sa kaniyang pagbisita sa Albay, sinabi ng Pangulo na ang hakbang ay upang tulungan ang local government units (LGUs) para tugunan ang epekto ng kalamidad.
“Let us be prepared to take as much of the load as soon as possible off of the local government units para naman mayroon silang –malay natin magkabagyo pa, may mangyari pa, para mayroon silang reserba pa. Hindi natin uubusin ‘yung kanilang quick response fund, number one,” pahayag ni Pangulong Marcos sa isinagawang situation briefing sa isyu ng pag-a-alburuto ng Mayon na isinagawa sa Albay Astrodome sa Legazpi City nitong Miyerkules, June 14.
“Number two, we should use as a working number; a minimum of 45 days. The 45 days to 90 days comes from both the science of DOST and the experience of the locals. Noong tinatanong natin sa kanila “usually papaano ito?” iyon na nga, 45 to 90 days. Kaya’t iyon ang gagamitin natin na working number,” dagdag pa ng Pangulo.
Sa nasabing pagpupulong, tiniyak ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian sa Pangulo na nakapag-dispatched na ang Kagawaran ng nasa 153,000 food packs para sa 90-day cycle para sa lalawigan ng Albay para tugunan ang kasalukuyang krisis.
Bago dumalo sa briefing, binisita ni Pangulong Marcos ang Guinobatan Community College evacuation center para alamin ang kondisyon ng mga apektadong pamilya at pinangunahan ang pamamahagi ng tulong ng gobyerno.
Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) sa Bicol Region, nakapagkaloob na ng kabuuang P29.2 million na halaga ng assistance sa mga evacuees ang DSWD, Philippine Red Cross (PRC), Ang Probinsyano Partylist, LGUs, pribadong grupo at non-government organizations (NGOs).
Iniulat din ng OCD na nakapagpadala na sila ng food at non-food, gayundin ng tubig, sanitation at health equipment sa Albay province na kinabibilangan ng 3,200 sako ng bigas, 320 rolyo ng sakoline, 1,101 hygiene kits, 424 OCD family packs at isang water filtration vehicles na idineploy ng provincial government sa mga apektadong lokalidad.
Umaabot na sa kabuuang 4,400 pamilya o 15,676 na indibidwal ang inilikas dahil sa pagputok ng Mayon mula sa pitong munisipalidad kabilang ang Camalig, Ligao City, Daraga, Ginobatan, Malilipot, Santo Domingo, at Tabaco City.
Sa bilang ng mga inilikas, 4,215 pamilya o 15,017 individuals ang nanunuluyan sa 22 evacuation centers, habang ang 185 pamilya ay nanuluyan sa ibang lugar.
Weng dela Fuente