Lava flow sa Mayon nananatiling mabagal, posibleng malakas na pagsabog hindi maisasantabi – PHIVOLCS
Patuloy pa rin ang mabagal na pagbuga ng lava mula sa bunganga ng Mayon Volcano.
Sa nakalipas na 24 oras, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na naitala ang dalawang volcanic earthquakes at 306 na rockfall events batay sa seismic at visual observation ng Mayon Volcano Network.
Naitala din ang tatlong dome-collapse pyroclastic density current (PDC) na tumagal ng tatlo hanggang anim na minute.
Courtesy:PHIVOLCS
Naobsebahan ang mabagal na pagbuga ng lava sa halos isang klometro mula sa crater ng bulkan at collapse debris sa Mi-isi at Bonga gullies.
Mababa rin sa average ang ibinugang sulfur dioxide ng Mayon na naitala lamang a 193 tons/day nitong June 14, 2023.
Sinabi ni Bornas na ang kaunting pagbuga ng sulfur dioxide ay maaring magpahiwatig ng ang magma ay degassed o may bara sa bulkan na maaaring magpataas ng pressure sa loob ng Mayon na maaaring maging mapanganib.
Batay sa ipinamamalas na aktibidad ng Mayon, sinabi ni Mariton Bornas, chief ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng PHIVOLCS, na mababa pa sa ngayon ang tsansa ng explosive eruption sa bulkan.
Courtesy: NET25 TV/RADYO
“Sa ngayon, napakabagal ng luwa ng baga ang Mayon, ito yung pinaka low level na activity ng pagputok na kaya nyang gawin… Sa ngayon sa ipinamamalas na aktibidad at batay sa monitoring parameters, tipong nasa mababa, mababa ang tsansa ng explosive eruption, maaring bumilis ang pagluwa ng lava pero sa ngayon, walang indikasyon na ang ginagawang activity ng bulkan ay maaaring mauwi sa explosive eruption,” paliwanag ni Bornas sa panayam ng NET25 TV/Radyo program na Ano sa Palagay Nyo? (ASPN).
Hindi naman isinasantabi ni Bornas ang posibilidad ng iba’t ibang senaryo na kakaharapin ng mga residente sakaling lumala ang sitwasyon sa Mayon kabilang ang pagbilis ng pagluwa ng lava, pagkakaroon ng lava fountaining at malakas na pagsabog.
Ngunit higit aniyang mas mapanganib kung isang explosive eruption ang magaganap sa Mayon.
“Kapag explosive, normally sandal lang, pag explosive, masyado mabilis ang mass eruption rate o labas ng materyales sa bunganga, nailalabas in a short period of time, tama rin po kayo na ang explosive eruption lubhang mapanganib.”
“Pag ganito ang nakitang senyales sa bulkan lalawig ang evacuation recommendation, pwedeng umabot ng 8km mula sa bunganga ng bulkan, karamihan ng naninirahan nandito sa radius na ito, sa ganito pong pagputok ng bulkan yung nasa PDZ lang ang nasa panganib, pag explosive lalabas na sa 6km danger zone ang volcanic hazards ng Mayon, o pyroclastic density current na tinatawag ding uson,” paliwanag pa ni Bornas.
Batay sa mga nakaraang aktibidad ng bulkan, maari itong magtagal ng ilang buwan.
Noong 2006, umabot ng apat na buwan ang pagluwa ng lava flow na lumampas sa 6-kilometrong danger zone.
Dagdag pa ni Bornas na depende sa sitwasyon ang magiging epekto ng pag-ulan sa aktibidad ng Mayon.
Ang ulan ay maaaring magdulot ng lahar sa mga ilog na malapit sa bulkang Mayon, partikular sa mga lugar ng Daraga, Legazpi, at Sto. Domingo.
Ito ay maaaring mas lalong mapanganib kung ang ulan ay malakas.
“’Yung pag-ulan asahan na maaring lumikha ng tinatawag na harsh sa mga ilog na nakatutok sa water shed o gullies, nagbabagsak ito ng rockfall at pdc at may kasamang abo,” dagdag pa ni Bornas.
Kung may panganib, may malaking tulong sa agrikultura ang bulkan.
Aminado ang PHIVOLCS official na mataba ang lupa sa paligid ng Mayon habang ang lahar ay napagkukunan ng mataas na kalidad ng buhangin na ginagamit sa quarrying.
Weng dela Fuente