Radyo Agila DZEC kinilala ng DOST- STII bilang STARBOOKS Media Champion
Tumanggap ng parangal mula sa DOST- Science and Technology Information Institute (DOST-STII) ang Radyo Agila DZEC bilang STARBOOKS Media Champion.
Ginawaran ng pagkilala ng DOST- STII ang Radyo Agila DZEC dahil sa inisyatiba ng himpilan upang ibalita at ipalaganap ang mga impormasyon at updates ukol sa STARBOOKS o Science and Technology Academic and Research-Based Openly-Operated KioskS.
Layunin ng STARBOOKS na makapagkaloob ng STI o Science,:Technology, and Innovation-based content sa mga estudyante lalo na sa mga malalayong lugar at mahihirap na komunidad at mga paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa ngayon ay umaabot na sa 6,788 ang units ng STARBOOKS sa bansa.
Naglalaman ito ng digitized science and technology resources.
Ngayong taon ay ipinagdiwang ng DOST-STII ang ika-12 anibersaryo ng STARBOOKS.
Bahagi ng selebrasyon ang pagpupugay nito sa mga nakatuwang nito na mga indibiduwal at mga grupo para maging matagumpay ang proyekto.
Isa ang Radyo Agila DZEC sa media organizations na pinarangalan ng DOST- STII.
Ang station manager ng Radyo Agila DZEC na si Mr. Nelson Lubao ang nanguna sa pagtanggap ng gawad.
Nagpasalamat si Ginoong Lubao sa pagkilala na ibinigay sa Radyo Agila.
Aniya, naniniwala ang istasyon na kapag sinuportahan nila ang mga katulad na programa ng gobyerno ay malaki ang impact nito sa mga kabataan at sa mga susunod na henerasyon.
Committed din aniya ang himpilan na magkaroon ng mga katulad na programa sa telebisyon at radyo na pakikinabangan ng mga Pilipino.
Sinabi naman ni DOST-STII Director Mr. Richard Burgos na sa 12 taon ay maraming estudyante ang natulungan ng proyekto na magkaroon ng access sa resource materials na ukol sa science, technology at innovation.
Moira Encina