FDA, nagbabala sa paglalaro ng lato-lato
Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) tungkol sa pagbili at paggamit ng laruang pambata na ‘lato-lato,’ dahil ang ilan dito ay hindi dumaan sa kanilang pagsusuri.
Tinukoy ng ahensiya ang unlabeled green lato-lato, pro-clackers (lato-lato) na may ilaw at lato-lato na ibinebenta sa isang online shopping platform na walang certificate of product notification kaya hindi tiyak ang kalidad at kaligtasan lalo na para sa mga bata.
Pinuri naman ng Toxic watchdog group ang naging hakbang ng FDA.
Ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics, tama ang desisyon ng FDA na mag-isyu ng public health warning dahil mapipigilan nito ang ilang potential safety concerns para sa mga bata kabilang ang choking, eye-injury, at strangulation o pagkakasakal.
Hinikayat din ng grupo ang regulatory agencies, kabilang na ang mga LGU na mahigpit na ipatupad ang advisories at kumpiskahin ang unnotified at unregistered lato-lato toys.
Umapela rin si Dizon sa mga nagtitinda ng laruan na itigil ang pagbebenta ng unauthorized lato-lato toys lalo sa mga kabataan.