BIR nagbabala laban sa pekeng TIN na inaalok online
Nadiskubre kamakailan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang ilang indibiduwal na nag-aalok ng BIR Tax Identification Number (TIN) ID assistance sa pamamagitan ng online selling platforms gaya ng Facebook, Shopee, at Lazada.
Ayon sa BIR, iligal at peke ang mga alok na TIN ID Assistance sa nasabing online platforms dahil hindi ito otorisado.
Kaugnay nito, hinimok ng BIR ang publiko na huwag tangkilikin o huwag kumuha ng kanilang Taxpayer Identification Number (TIN) at TIN Card mula sa online sellers.
Sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui na hindi for sale ang TIN cards at ito ay iniisyu lamang ng BIR.
Una nang nakipag-dayalogo ang BIR sa mga kinatawan ng Shopee at Lazada para hilingin na tanggalin ang lahat ng advertisements o postings na nag-aalok ng TIN ID assistance.
Moira Encina