Supply ng tubig sa Metro Manila mula sa Angat Dam hindi pa alarming – PAGASA
Pinawi ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pangamba ng mga residente sa Metro Manila na magkakaroon ng kakapusan ng supply ng tubig dahil sa pagbaba ng water level sa Angat Dam.
Sinabi ni Dr. Esperanza Cayanan, Officer-in-Charge ng PAGASA – Department of Science and Technology (DOST) na bagama’t nakataas na ang El Niño alert sa bansa ay hindi ito nangangahulugang magkakaroon na ng matinding tagtuyot.
Ayon kay Dr. Cayanan, batay sa historical record ng bansa, tumataas ang porsyento ng pag-ulan sa buwan ng Hunyo hanggang Agosto dahil sa epekto ng southwest monsoon o habagat at karaniwang pumapasok din ang mga bagyo sa nasabing panahon kaya malaki ang tsansa na madadagdagan ang tubig sa angat dam at iba pang dams sa bansa.
Inihayag ni Cayanan na sa record ng Hydrological Division ng PAGASA, ang water level sa Angat Dam ay nasa 186.55 meters at ang critical water level ay 180 meters.
Niliwanag ng PAGASA OIC na nakatutok naman ang National Water Resources Board (NWRB) na siyang direktang nangangasiwa ng water allocation ng Angat Dam sa dalawang water concessionaire na Manila Water at Maynilad na nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Binigyang diin ng pagasa na mahalagang mapanatili sa tamang water level ang Angat Dam dahil dito nanggagaling ang 90% ng tubig na ginagamit sa mga household sa Metro Manila, maliban sa irrigation water na ginagamit ng mga magsasaka sa lalawigan ng bulacan.
Vic Somintac