Lagda ni Zubiri hinihintay para sa ganap na pagpapatibay ng Senado sa Maharlika Investment Fund bill
Lagda na lamang ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang hinihintay bago tuluyang mai-transmit sa Malacañang ang pinal na kopya ng kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF) bill.
Ayon kay Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito, natapos na ang paglilinis at pag-aayos sa pinal na bersyon ng panukala.
Ang problema nasa Washington DC ngayon si Zubiri na dumadalo sa isang official business.
Dahil hindi maari ang e-signature, ang opsyon ngayon ayon kay ejercito, personal itong dadalhin ni Senate Secretary Renato Bantug para malagdaan ni Zubiri.
“This is an important measure, kaya one of the options is for Sec. Bantug to bring the copy of the bill to SP,” paliwanag ni Ejercito.
Sa sandaling malagdaan ito ni Zubiri at House Speaker Martin Romualdez, ita-transmit na ito para malagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para maging isang ganap ng batas .
Hindi naman masabi ni Ejercito kung binura o alin sa magkaibang probisyon na section 50 at 51 ng panukala para sa prescriptive period ang isinama sa enrolled bill.
Ang mahalaga aniya kung ano ang napag-usapan sa plenaryo at napagtibay na parusa ay ito ang ilalagay sa panukala.
Posible aniyang nagkaroon ng honest error dahil sa pagmamadali na maipasa ang maharlika bill
“One thing is for sure, sa Senate naman we don’t do that, kung sakali man nililinis natin yan ina-ayos, aprub sa floor subject to style, kung anuman ang haka-haka na may pinalitan, hindi po nangyayari yan sa senado,” paliwanag pa ng mambabatas.
Sakaling malagdaan at maging batas, walang nakikitang dahilan si Senador Sonny Angara para kwestyunin ito sa Korte Suprema at mai-deklarang unconstitutional.
Para sa kanya, ang dapat masunod ay ang sampung taong prescriptive period dahil ito ang natalakay at naaprubahan nang isalang ito sa debate sa plenaryo .
Kung may kukwestyon aniya sa dalawang prescriptive period sa MIF, sa kaniyang pananaw, internal matters ito ng Senado at hindi na panghihimasukan ng Korte Suprema dahil wala namang nalabag na constitutional policies.
“May kaso yan dati Arroyo vs de Venecia. Sabi ng SC, sa inyo yan, di kami nakiki-alam sa inyo. Largely political question. Kung kukuwestyunin there should be blatant violation… in this case ang sinasabi ng SC, sa inyo yan, ang tinitignan lang namin kung may violation ng constitution,” dagdag pa ni Angara.
Meanne Corvera