Coin deposit machines, sinimulan nang ideploy ng BSP
May solusyon na ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang mahimok ang publiko para ilabas ang mga barya na nakatago lamang sa mga bahay at hindi nagagamit.
Ito ay sa pamamagitan ng coin deposit machines na inilunsad ngayong araw sa isang mall sa Pasay City.
Ayon sa central bank, bawat sentimo ay mahalaga at dapat napapakinabangan.
Sa pamamagitan ng mga nasabing machine ay maaari nang ideposito ng publiko ang mga natatago nilang barya tulad ng low denomination coins na 5 sentimo at 25 sentimo na madalas ay hindi ginagamit at ipapalit ito bilang shopping voucher o kaya ay ikarga sa e-wallets.
Kabuuang 25 coin deposit machines ang idideploy ng BSP sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila hanggang sa Agosto.
Ayon sa BSP, umaabot sa 39 bilyong piraso ng barya ang nasa sirkulasyon o 400 piraso kada Pinoy.
Sinabi ni BSP Governor Felipe Medalla na lumalaki ang problema ukol sa resirkulasyon ng barya sa bansa na nagdudulot ng coin shortage dahil inaabot ng anim na buwan bago ito mapaikot na ideally ay dapat isang linggo lang.
Aminado si Medalla na may mga bangko na ayaw na may magdi-deposito ng mga barya kaya malaking tulong ang coin deposit machines para mahikayat ang mas maraming Pinoy na ilabas at gamitin ang mga barya.
Sinabi ng BSP chief na mas makakatipid ang central bank dahil hindi na ito magpapagawa ng bagong barya sa tulong ng coin deposit machines.
Bukod dito ay environment-friendly rin aniya ang programa dahil uunti ang kakailanganin na metal at kuryente na gagamitin sa paggawa ng mga barya.
Makatutulong din aniya ito para matanggal sa sirkulasyon ang mga mutilated at highly unfit coins.
Moira Encina