Delayed sa mga flights sinimulang siyasatin ng Senado

Sinimulan nang dinggin ng Senado ang mga reklamo ng mga pasahero hinggil sa umano’y overbooking at offloading ng mga airline companies na nagresulta sa delay sa mga flights.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Tourism, naglahad ng kani-kanilang sentimyento ang mga senador na biktima rin ng mga delayed flights.

Isa na rito si Senador JV Ejercito na nakatulog pa sa terminal sa Cebu dahil sa delay sa pagdating ng kanilang sasakyang eroplano.

Si Senador Christopher ‘Bong’ Go, sa eroplano na sya nag-celebrate ng kaniyang birthday noong June 14 dahil sa sobrang delay ng kaniyang flight sa Cebu Pacific pabalik ng Davao.

Ikinadismaya ng senador dahil boarding time na nang i-anunsyo na delayed ang flight at sinabing hindi pa dumarating ang sasakyang eroplano.

Apela ni Go na magkaroon ng mas maayos na information dissemination ang mga airline companies para hindi nabibigla ang mga pasahero.

Tanong ngayon ni Ejercito, sino ang dapat managot sa ganitong kaso at bakit ang mga pasahero ang madalas na nag-a-adjust.

Hindi raw kasi ito nangyayari sa iisang airline company dahil ganito rin ang sistema sa iba pa.

Samantala, humingi naman ng paumanhin ang Cebu Pacific sa hirap na dinanas ng mga na-apektuhang pasahero.

Sinabi ni Xander Lao, President at Chief Commercial Officer (CCO) ng Cebu Pacific na ang aberya sa kanilang mga flights ay hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo dahil sa problema sa aviation industry.

Sa kasalukuyan ay umaabot sa 120 airbus aircraft ang hindi makalipad dahil walang maibigay na spare engine support ang Pratt and Whitney, ito ang kumpanyang gumagawa ng makina ng eroplano ng airbus na ginagamit ng Cebu Pacific.

Sa Cebu Pacific, apektado ang kanilang tatlong eroplano dahil sa problema sa engine habang limang iba pa ang nasira.

Bukod sa mga problema sa eroplano, nagsimula na rin ang tag-ulan at sunod sunod ang ini-isyung red lightning alert na nangangahulugan na tigil rin ang ground activities at flights sa paliparan

Gumagawa na rin ng hakbang ang kumpanya para makapagbigay ng mas maayos na serbisyo sa kanilang pasahero.

Meanne Corvera

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *