Beijing, nagpalabas na ng pinakamataas na heat alert
Nagpalabas na ang China ng highest-level heat alert para sa northern parts ng bansa, nang umabot sa humigit-kumulang 40 degrees Celcius (104 Fahrenheit) ang temperatura sa kabisera ngayong Biyernes.
Bago ito, naitala ng Beijing ang pinakamainit na araw ng Hunyo kahapon, matapos maitala ang temperaturang 41.1C, na bumasag sa record na naitala noong 1961.
Nakasanayan na ng lungsod ang mainit na tag-araw ngunit ang temperatura sa buong China ay hindi pangkaraniwang mataas sa mga nakalipas na buwan, na ang init ayon sa mga siyentipiko, ay pinalala ng pagbabago ng klima o climate change.
Nitong Biyernes ng umaga, 185 red alerts ang inilabas sa mga bahagi ng hilaga at silangang China kabilang ang Beijing, ang kalapit na lungsod ng Tianjin at ang karatig na mga lalawigan ng Hebei at Shandong.
Ang red warning ang pinakamataas sa isang four-tier system.
Ayon sa government weather services, ito ang unang beses simula noong 2014 na ang red alert ay ginamit sa Beijing.
Marami sa kalapit na lugar ng Beijing ang naka-red alert na simula pa nitong Huwebes.
Sa mga lansangan sa Beijing, makikita ang mga pedestrian na nakasuot ng mask, sumbrero at visors upang protektahan ang kanilang sarili sa araw.
Sa coastal province ng Shandong, na nasa hangganan ng Yellow Sea, ang temperatura ay umabot sa 43C nitong Huwebes, ayon sa meteorological service ng China.
Iniulat naman ng local media na 17 weather stations sa buong rehiyon ang bumasag ng temperature records.
Babala ng forecasters, inaasahang magpapatuloy ang matinding init sa hilaga at silangang bahagi ng China, hindi bababa sa walong araw.