Mayon update: 2 volcanic quakes at 308 rockfall events, namonitor
Dalawang volcanic earthquakes at 308 rockfall events ang namonitor sa Mayon sa nakalipas na 24-oras.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), may namonitor din silang isang dome-collapse pyroclastic density current event at isang napakabagal na lava effusion na may habang hanggang 1.8 kilometro at 2.5 kilometro sa kahabaan ng Mi-si at Bonga gullies.
Naka-detect din ng lava collapse sa parehong gullies sa loob ng 3.3 kilometro mula sa crater.
Sinabi ng PHIVOLCS, na 744 tonelada kada araw ang sulfur dioxide flux. Nakita rin ang isang plume na may taas na 600 metro.
Dagdag pa nito, dapat magkaroon ng pagbabawal sa pagpasok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone.
Pinapayuhan din ang mga piloto na huwag lumipad malapit sa bulkan.
Ang Mayon ay nasa alert level 3, na nangangahulugang ito ay nagkakaroon ng matinding pag-aalburoto.
Ang Albay, kung saan naroroon ang bulkan, ay isinailalim na sa isang state of calamity kasunod ng ayon sa mga eksperto ay isang potensiyal na “hazardous eruption.”