US Coast Guard maglulunsad ng imbestigasyon sa Titan sub tragedy
Inihayag ng US Coast Guard na maglulunsad ito ng isang imbestigasyon sa sanhi ng pagsabog sa ilalim ng tubig na sumira sa maliit na Titan submersible, at ikinasawi ng lahat ng limang sakay nito nang sumisid patungo sa wreckage ng Titanic.
Sinabi ng Coast Guard na bumuo ito ng marine board of investigation (MBI), ang pinakamataas nitong antas ng pagsisiyasat para sa nangyaring trahedya sa North Atlantic na pumukaw sa atensiyon ng buong mundo.
Ayon kay Jason Neubauer, chief investigator ng Coast Guard at lider ng imbestigasyon, “My primary goal is to prevent a similar occurrence by making the necessary recommendations to enhance the safety of the maritime domain worldwide. The MBI is already in its initial evidence-collection phase, including debris salvage operations at the incident site.”
Sinabi ni Neubauer, na ang US probe ay maaari ring gumawa ng mga rekomendayon sa posibleng pagsasampa ng civil o criminal sanctions “kung kakailanganin.”
Ang Titan ay napaulat na nawawala noong nakaraang Linggo at noong Huwebes ay sinabi ng Coast Guard, na lahat ng limang sakay ng submersible ay namatay matapos itong sumabog.
Isang debris field ang natagpuan sa seafloor, 1,600 talampakan (500 metro) mula sa bow ng Titanic, na nasa higit dalawang milya (halos apat na kilometro) sa ilalim ng ocean surface at 400 milya sa baybayin ng Newfoundland, Canada.
Sinabi ng Canada, na tumulong sa paghahanap sa submersible, na sila man ay magsasagawa rin ng sarili nilang imbestigasyon.
Ang Canadian-flagged Polar Prince cargo vessel ang humila sa Titan patungo sa dagat noong nakaraang linggo, ngunit nawalan ito ng kontak humigit-kumulang isang oras at 45-minuto makaraang bumaba sa ilalim ng tubig ang submersible.
Ang anunsiyo ng pagsabog ng Titan ay nagresulta sa isang multinational search-and-rescue operation, na pumukaw sa atensiyon ng mundo simula nang ito ay mawala.