Engkwento ng militar at MILF sa Maguindanao pinaiimbestigahan sa Senado
Pinaiimbestigahan ni Senador Robin Padilla ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Datu Paglas, Maguindanao nitong June 18.
Pito ang namatay sa naturang raid na sinasabing nag-ugat matapos isilbi ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang warrants sa ilang miyembro ng MILF dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Kasama sa mga inisyuhan ng warrant of arrest sina Nasser Yousef Husain at Norihad Husain na kapwa idinadawit sa umanoy pambobomba sa tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Cotabato City noong 2016, at pag-atake sa public market sa Datu Paglas noong 2021.
Sa Senate resolution 664, sinabi ni Padilla na dapat tingnan kung may paglabag sa peace process ang naging operasyon ng militar.
Isa sa nais malinawan ni Padilla kung saklaw ng mga teritoryong pasok sa peace agreement ang lugar at kung may nangyari bang koordinasyon bago isinagawa ang raid.
“Nasa jurisdiction ba talaga. Yan lang ang gusto ko tanungin. Kasi sa peace process dadaan yan, may coordination po dapat yan.”
“Pag doon ka sa lugar na sakop ng peace process dapat ang law enforcement dadaan ka doon sa coordination. Makikipag-coordinate ka bago ka gagawa ng raid. Parang ang dating po parang walang ganoong coordination biglang naging raid,” pahayag ni Padilla.
Sa impormasyon kasi ng Senador, nanindigan ang pamilya ng mga nasawi na walang criminal records ang mga biktima bago isinagawa ang raid pero naninindigan ang mga otoridad na lehitimo ang kanilang operasyon.
Pangamba ni Padilla baka maka-apekto ang insidente sa pag-usad ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at MILF.
“Ang sigaw ng taga doon, may nangyaring, parang yan ang kumakalat na sinasabing parang nagkaroon ng EJK [extra judicial killing. E pangit ito para sa peace process. Ayaw po nating magkaroon ng… sayang eh, naka-ilang taon na tayo na umuusad na. Huwag sana ito maging dahilan para masira po ang peace process natin,” dagdag na paliwanag ng mambabatas.
Meanne Corvera