Pagbuo ng Nursing Advisory Council isusulong ng DOH
Plano ng Department of Health (DOH) na bumuo ng National Nursing Advisory Council (NNAC) sa harap ng malaking kakulangan sa mga nurse sa bansa.
Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na tututukan ng grupo ang mga problemang kinakaharap ng mga nurse, gayundin magsusumite ng mga rekomendasyon para mapanatili sila sa bansa.
Sa sandaling ma-establisa, pamumunuan ang konseho ng isang chief nursing officer na may ranggong undersecretary.
Sinabi ng health chief na mismong ang World Health Organization (WHO) ang nagrekomenda para sa pagkakaroon ng mga chief nursing officer.
Aminado si Herbosa na malaki ang problema ng nursing sector mula sa pasahod, isyu ng migration, board passers, piracy o pamimirata sa mga nurse at iba pa.
Para naman makatulong sa pagpapataas sa bilang ng mga lisensyadong nurse sa bansa, nag-alok ng naman ng libreng review ang isang review center.
Ayon kay Dr. Carl Balita, 10,000 nurse ang kanilang tutulungang makapasa sa board exam.
Sa ginawang survey ng Association of Nursing Services Administration, sinabi ni Balita na hindi lang malaking sweldo ang pwedeng makahikayat sa mga nurse na manatili sa bansa.
Sa data ng Professional Regulation Commission (PRC), nasa 905,000 ang registered nurse pero 425,000 lang ang aktibong nagre-renew ng lisensya.
Madelyn Moratillo