Paglilipat ng detention cell kay Jad Dera, inaaral ng DOJ

Pinag-aaralan ng DOJ ang paglipat kay NBI detainee Jad Dera sa ibang pasilidad makaraang makapag-labas-masok ito ng kulungan kasama ang anim na jail guards.

Sinabi ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na nabatid na may mga pribilehiyo na tinatamasa si Dera sa NBI detention na hindi naman dapat gaya ng mga pagkain at sleeping condition sa piitan.

Si Dera ang tumatayo aniyang mayores o pinuno ng detainees sa NBI.

“We are trying to check the landscape kung pwedeng ilipat si Jad Dera sa ibang detention facility. Di na po puwedeng dun si Jad Dera based on the events that happened last week na marami po syang privileges sa detention center na di po pwedeng ganon ang trato sa isang detainee,” pahayag ni Clavano.

Sinabi pa ng opisyal, binabayaran ni Dera ang mga kasabwat na guwardiya na nagkakahalaga ng daan-daang libong piso kapalit ng mga nasabing pribilehiyo.

Batay din aniya sa report na natanggap ng DOJ, maraming beses nang nakakalabas ng piitan si Dera para pumunta sa ibat ibang lugar gaya ng Tagaytay, Subic at Calatagan.

Aniya, nakaka-alarma at hindi katanggap-tanggap ang nasabing pangyayari at kalakaran kaya nais nilang ilipat ng kulungan si Dera.

Kakailanganin aniya ng court order para sa jail transfer.

Bukod naman sa pinuno ng NBI Security Management Division, sinuspinde at sinibak na rin aniya ang hepe ng NBI detention na itinuturing na person of interest.

Una nang inireklamo sa DOJ sina Dera at anim na security personnel ng NBI dahil sa paglabas nito sa piitan noong nakaraang linggo.

Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *