Reporma sa patakaran sa pagnenegosyo sa bansa tiniyak ng Kamara sa mga negosyante
Nangako ang Liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa grupo ng mga negosyante, na magpapatibay ang kongreso ng mga batas na magbibigay daan para mapagaan ang pagnenegosyo sa bansa.
Ito ang inihayag ni House Speaker Martin Romualdez sa kanyang pagsasalita sa ika 44 na National Conference ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP.
Sinabi ni Speaker Romualdez, na kinikilala ng gobyerno sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang malaking papel na ginagampanan ng mga negosyante sa pamamagitan ng paglalagak ng puhunan upang mapanatiling buhay ang ekonomiya ng bansa kahit noong kasagsagan ng pandemya ng COVID 19.
House Speaker Martin Romualdez
Ayon kay Romualdez, kaisa ng Marcos Jr. administration ang 19th congress sa pagsusulong mga batas para lalong mapagaan ang pagnenegosyo sa bansa upang makabangon ang ekonomiya mula sa epekto ng pandemya ng COVID 19 at sa climate change ganun din sa global economic crisis.
Inihayag ni Romualdez na napagtibay na ng Kamara nitong first regular session ng 19th Congress, ang 33 sa 42 economic reform agenda ng Marcos Jr. administration na napagkasunduan sa Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC.
Vic Somintac