DOJ bubuo ng Anti- Agricultural Smuggling Task Force
Lilikha ang Department of Justice (DOJ) ng Anti- Agricultural Smuggling Task Force na tututok sa paghabol sa mga nasa likod ng smuggling ng iba’t ibang produktong pang-agrikultura sa bansa.
Ang hakbangin ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DOJ at National Bureau of Investigation
(NBI) na imbestigahan ang talamak na onion smuggling sa bansa.
Ayon sa DOJ, ang task force ay bubuin ng Office of the Prosecutor General sa pangunguna ni Chief State Prosecutor Richard Anthony Fadullon at NBI sa pangunguna ni Director Medardo De Lemos.
Makakatuwang din ng task force ang special team of prosecutors.
Ilan sa mga gampanin ng mga imbestigador ay ang pagkolekta ng mga ebidensya, pagsasagawa ng panayam, at pag-analisa ng datos upang masiwalat ang onion smuggling networks.
Layon umano nito na masawata ang mga sindikato ng smuggling sa bansa at maparusahan ang mga dapat na managot.
Sinabi ng DOJ na sa ngayon ay may case build-up na ito laban sa mga indibiduwal at organisasyon sa sangkot sa smuggling ng sibuyas.
Sa oras umano na matapos ito ay isasampa ng kagawaran ang mga kaukulang reklamo laban sa mga responsable.
Moira Encina