Imbestigasyon sa agri-smuggling ipauubaya ni PBBM sa DOJ at NBI
Walang deadline na itinakda si Pangulong Bongbong Marcos sa imbestigasyon ng Department of Justice at National Bureau of Investigation sa isyu ng onion at agricultural smuggling sa bansa.
Sa isang ambush interview, sinabi ng Pangulo na hahayaan niya ang DOJ at NBI na gawin ang kanilang trabaho para alamin ang ugat sa isyu ng smuggling, hoarding at price fixing sa agri products.
“Unang-una, hindi ako mahilig magbigay ng deadline. Syempre gusto ko tapusin nila kaagad. Pero kailangan tapos hindi hilaw. Let them do their investigation,” pahayag ng Pangulo sa harap ng mga kagawad ng media.
Sa utos ng Pangulo, hindi lamang nakatuon ang imbestigasyon sa sibuyas kundi sa iba pang sindikato na nag-o-operate .
Pagdidiin ni Marcos na umaakto din bilang kalihim ng Department of Agriculture na ang illegal na aktibidad na ito ng mga smugglers ay katumbas ng economic sabotage.
“Marami talagang sindikato eh na nag-o-operate pa, para habulin lang natin para matigil ang kanilang ginagawa. At sa aking pananaw, sa palagay ko yung mga abogado natin ay sasang-ayon siguro sa atin, yung kanilang ginagawa amounts to economic sabotage. Kaya’t yun ang aming direksyon dito sa pag-i-imbestiga nito.”
“Kaya’t hindi natin basta pabayaan ito dahil may ginugutom na Pilipino, may namamatay from starvation (and povetry)? ang Pilipino dahil sa kanilang ginagwa. Hindi maaring ituloy nila ang kanilang ginagawa. Tama na yan. Titigilan natin ang kanilang masasayang ginagawa,” pangako pa ng Chief Executive.
Una rito ay inatasan ng Pangulo ang DOJ at NBI na imbestigahan ang onion at agricultural products smuggling batay sa report na ipinarating ng House Committee on Agriculture and Food ng Kamara de Representante.
Sa nasabing memorandum, idinetalye ang mga grupong sangkot sa hoarding at smuggling ng sibuyas na nagtulak para sumirit ang presyo ng produkto hanggang P700 kada kilo noong nakaraang taon
Weng dela Fuente