Justice Sec. Crispin Remulla sumailalim sa heart bypass procedure; Remulla iginiit na hindi magbibitiw sa puwesto
Ngayong araw ay muling humarap sa mamamahayag si Justice Secretary Crispin Remulla makaraan ang dalawang linggo na hindi pagpasok sa kagawaran.
Una nang naghain si Remulla ng wellness leave dahil sa personal reasons.
Pero sa pulong balitaan sa DOJ, kinumpirma ni Remulla na sumailalim siya sa heart bypass procedure noong June 27.
Nagpasya ang kalihim na magpa-opera sa puso makaraan na may nakita ang mga doktor na mga bara sa kaniyang puso sa medical check-up niya.
“Ang swerte ko lang never akong inatake never akong na-stroke kaya ang swerte ko lang nakita talaga bara na pwedeng maging cause ng atake pwedeng magcause ng stroke” paglalahad ni Remulla.
Ayon sa kalihim, maayos naman ang kaniyang recovery pero kailangan niyang sumailalim sa physical therapy.
Sa darating na Lunes pa opisyal na magbabalik- trabaho si Remulla sa DOJ kung saan pupulungin niya ang iba’t ibang opisyal ng kagawaran.
Pero hindi siya makapapasok nang pisikal araw-araw sa DOJ sa ilang susunod na linggo dahil kailangan pa niyang tuluyang magpagaling.
“Akoy nagpapasalamat akoy binigyan ng malakas na katawan at kaya ng katawan ko pero this doesn’t mean i should throw caution to the wind kailangan mag-ingat dapat tuluy tuloy pag-iingat my immune system is down it has to go up” dagdag pa ng Kalihim.
Tiniyak ng kalihim na hindi apektado ang operasyon ng kagawaran kahit wala siya sa DOJ dahil maaari naman niyang makausap sa pamamagitan ng video conferencing ang mga opisyal ng departamento.
Nilinaw din ni Remulla na hindi siya magbibitiw sa posisyon.
“I serve at the pleasure of the president and i will continue to discharge my functions as long as the president believes in my capability to lead the department” giit pa ng kalihim.
Aniya, batid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang kalagayan.
Ikinatuwa umano ng pangulo ang desisyon na sumailalim sa heart surgery.
Aniya batid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang kalagayan at hinimok siya nito na unahin na magpalakas ng kalusugan para magtuluy-tuloy ang trabaho nito.
Pinasalamatan din ni Remulla ang pangulo sa tiwala at kumpiyansa sa kaniya.
“Sabi nya unahin ko na ito, unahin ko na pagpapagaling at pagpapalakas para magtuloy trabaho inilaan para sa departamento sa aking liderato. I thank the president for the trust add confidence he gave me” saad pa ni Secretary Remulla.
Moira Encina