Mga Pinoy hinikayat na suportahan ang Love the Philippines campaign ng DOT
Hinimok ng mga senador ang publiko na suportahan ang bagong tourism slogan ng gobyerno na “Love the Philippines.”
Sa kabila yan ng mga inaabot na batikos ng Department of Tourism (DOT) dahil sa paggamit ng video at larawan na kuha sa ibang bansa sa tourism ads nito.
Sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na tinanggap na ng DOT ang pagkakamali nito katunayang pinutol na ang kontrata sa DDB Philippines na siyang ad agency na ka-kontrata sa proyekto.
Payo ni Cayeto sa publiko na mag-move on na at tumulong sa promosyon sa ganda ng Pilipinas.
“I know the DOT secretary, she listens! She cares about people’s views and ideas! Let’s try communicating, not for her but for the country, which we all claim to love,” pahayag ni Cayetano sa isang statement.
Nababahala ang senador dahil kung hindi pa rin matitigil ang isyu, maaaring kumalat ang maling impormasyon lalo na sa mga social media platforms
Inihalimbawa nito ang nangyari noong Southeast Asian Games noong 2019 kung saan napahamak ang Pilipinas dahil sa mga pekeng impormasyon.
Pero dapat magkaroon aniya ng balanseng pananaw sa isyung ito kung saan may partisan at political interest.
Umaasa naman si Senador Robin Padilla sa muling pagsulong ng turismo ng Pilipinas
Dapat aniyang magkaisa ang mga Pilipino sa ilalim ng iisang bandera at ito ang pagsusulong ng turismo ng bansa
“Hangad ko po na kasabay ng ating pag-usad mula sa masukal na usaping ito ang pagkakaisa ng lahat sa ilalim ng iisang bandera: ang pagsulong ng turismo ng Pilipinas bilang mamamayang Pilipinong pinagbubuklod ng pag-ibig sa bayan,” paliwanag pa ni Padilla.
Para naman kay Senador Francis Tolentino sa halip na mag-away-away pa, dapat ipaubaya na ang imbestigasyon sa DOT.
Pero dapat maging maingat na lalo na sa mga papasukin nitong kontrata at dapat masusing tignan kung ang mga ipo-promote na destinasyon ay kuha sa Pilipinas.
“Kumilos naman na si Frasco at terminated na ang contract, hayaan natin ang investigation sa halip na mag-away, mahirap mag promote ng tourism. Kailangan nagkakaisa kayo, tuloy ang investigation pero magtulungan pero dapat maging maingat na. I vouch for the integrity of Sec Frasco,” dagdag pa ni Tolentino
Kaya apela ni Senador Sonny Angara, bigyan ng tyansa si Secretary Christina Frasco.
Napatunayan naman na aniya ang galing nito, katunayan ang mahigit dalawang milyong international tourists na bumisita sa Pilipinas mula lamang Enero hanggang Mayo ngayong taon, mas mataas sa target na 1.7 million.
“DOT has done over the past two years following the pandemic has been remarkable and with Sec. Frasco leading the charge in declaring the Philippines open for tourists, I am confident that Philippine tourism will be able to reach new heights and the world will see the many reasons to love the Philippines,” dagdag na pahayag pa ni Angara.
Meanne Corvera