Kongresista nagpaalala sa pagpapataw ng buwis sa junk food at sweetened beverages
Pinaghihinay-hinay ng isang mambabatas ang gobyerno sa pagsusulong ng dagdag buwis sa junk food at sweetened beverages gaya ng soft drinks.
Pangamba ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Salceda na baka sa pagsisikap ng gobyerno na maresolba ang obesity ay mas lumala pa ang malnutrisyon sa bansa.
Giit ni Salceda na mas dapat tututukan ng gobyerno ang pagbubuwis sa mga mayayaman.
“Ang tunay na problema natin malnutrisyon hindi obesity. Thats the only thing you have in their table then you take the mean of their access,” paliwanag ni Salceda.
Dagdag pa ng mambabatas mas maraming kaso ng obesity ay sa mga mayayaman dahil ang problema ng mahihirap ay malnutrisyon.
Sa data ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), umabot na sa 27 milyon ang mga overweight at obese na Pinoy.
Ayon naman sa Department of Health (DOH), nasa 21.6% na sanggol at toddlers sa buong bansa ang stunted o nababansot.
Giit ni Salceda, kung titingnan, hindi lang junk food ang maraming asin.
Batay sa pag-aaral, 69% aniya ng mga pagkaing maaalat ay wala sa processed food kundi nasa mga sawsawan.
Sa halip na dagdag buwis sa junk food at soft drinks, may ibang mungkahi si Salceda.
“What does the rich have? Cars so you better have motor vehicle road users, luxury vehicle,” paliwanag pa ng kongresista.
Madelyn Villar-Moratillo