US envoy ,nababahala unprofessional maneuvers ng China at PCG
Nagpahayag na rin ng pagkabahala si U.S. Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson
sa anila’y “unprofessional maneuvers” ng China Coast Guard laban sa Philippine Coast Guard.
Una rito, nitong June 30, hinarang at binuntutan ng barko ng China Coast Guard ang barko ng Philippine Coast Guard na nag-excort sa bangka ng Philippine Navy na maghahatid ng supplies sa BRP Sierra Madre.
Sa post sa kanyang Twitter account, sinabi ni Carlson na ang ginawang ito ng China Coast Guard ay isang banta sa seguridad at mga legal na karapatan ng Pilipinas, na “treaty ally” ng Estados Unidos.
Umapila rin si Carlson sa China na sumunod sa international law, kasama na ang pagpapatupad ng “legally binding 2016 award” sa Pilipinas laban sa China Law of the Sea Convention arbitration.
Ito aniya ay dapat na magsilbing panimula para makamit ang malaya at bukas na Indo Pacific Region.
Sa panayam ng foreign media kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin, iginiit nito na noong June 30 ay pumasok ang Philippine Coast Guard sa Ren’ai Reef na walang pahintulot.
Salig aniya sa batas, ginawa lang umano ng Chinese Coast Guard vessel ang dapat para pagtibayin ang territorial sovereignty ng China.
Sinabi nya pa na professional at restrained ang ginawang maneuvering ng barko ng China Coast Guard.
Madelyn Villar- Moratillo