Commercial screening ng ‘Barbie’ aprubado ng MTRCB
Aprubado ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang commercial release ng kontrobersyal na pelikulang ‘Barbie’ ng Warner Bros. sa July 19.
Ibinaba ng MTRCB ang desisyon sa harap ng mga usapin sa isang eksena ng pelikula na nagpakita sa isang mapa na naglarawan sa umano’y territorial claim ng China sa South China Sea sa pamamagitan ng nine-dash line.
Kamakailan ay pinasyahan ng Film Regulation Board ng Vietnam na harangin ang pagpapalabas ng pelikula dahil sa nasabing isyu.
Sinabi ni MTRCB Chairperson Lala Sotto na nagsumite ng aplikasyon ang local distributor ng pelikula para sa rating and classification bago pa man ang desisyon ng Vietnam.
Sa pagsusuri ng Board sinabi ni Sotto na walang nakitang dahilan para i-ban ang pelikula dahil wala namang malinaw o direktang depiction ng nine-dash line.
Taliwas aniya ito sa mga naunang desisyon na i-ban ang mga pelikulang ‘Abominable’ at ‘Chartered’ na mismong ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang humiling na ipagbawal dahil sa pagpapakita sa nine-dash line claim ng China sa teritoryo, ngunit nalinawan na umano ito nang ibaba noong July 2016 ang Arbitral Award ng UNCLOS-backed Tribunal na walang basehan at invalid ang nasabing China claim
Binigyan din ng MTRCB ng PG o parental guidance rating ang Barbie na maaaring panoorin ng nasa edad trese anyos pababa kung may kasamang guardian.
Ang desisyon ng MTRCB, pormal na ipinarating kay Senador Francis Tolentino na nagpahayag din ng oposisyon sa public screening ng pelikula.
Bagama’t iginagalang ng mambabatas ang desisyon, nagpahayag naman ito ng kalungkutan.
Sinabi ni Tolentino na dapat ay sinunod na lamang ng MTRCB ang payo ng DFA na alisin na lamang ang eksena kung saan ipinakita ang nine-dash line.
Weng dela Fuente