‘Bagong PIlipinas’ inilunsad bilang governance brand ng Marcos administration

Inilunsad ng Marcos administration ang governance brand nito – ang ‘Bagong Pilipinas'”

Sa ilalim ng memorandum circular no. 24 na ipinalabas ng Malacañang noong July 3, inatasan ang lahat ng ahensya ng gobyerno, kabilang ang government-owned and controlled corporations (GOCCs), at state universities and colleges (SUCs) ay dapat magabayan ng prinsipyo, istratehiya at layunin ng bagong leadership brand.

Sa memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin nakasaad na ang ‘Bagong Pilipinas’ ang magiging pangkalahatang tema sa brand of governance at leadership ng administrasyon na nananawagan para sa malalim at pangunahing pagbabago sa lahat ng sektor ng lipunan at pamahalaan.

Itinataguyod nito ang commitment ng estado para sa kumprehensibong panuntunan sa reporma at ganap na pagbangon ng ekonomiya.

Inilarawan ng malacañang ang bagong kampanya na kumakatawan sa ma-prinsipyo, may pananagutan at maaasahang pamahalaan.

Kasabay ng paglulunsad sa governance brand ng administrasyon, inilunsad din ang ‘Bagong Pilipinas’ logo na naglalarawan sa pinagtagpi-tagping semi-circle na asul at pula na tila bumubuo ng isang globo na dumuduyan sa araw

Ayon sa Presidential Communications Office, inilalarawan ng logo ang vision ng Marcos administration para sa bansa na nagbibigay-diin sa pagkaka-isa, pakikilahok at kultura ng bayanihan bilang pangunahing hibla at sangkop para sa katuparan.

Ang tatlong pulang guhit ay sumisimbolo sa pangunahing development periods sa kasaysayan ng bansa – ang post-war agricultural and rural development; ang post-colonial period; at ang kasalukuyang metropolitan development.

Ang dalawang asul na guhit naman ay kumakatawan sa layunin para sa kinabukasan, habang ang sumisikat na araw ay lumalarawan sa bukang-liwayway para sa pilipinas

Nilinaw ng PCO na sariling gawa ng ahensya ang logo at walang ginugol na salapi ng gobyerno.

Inaatasan naman ang lahat ng ahensya ng gobyerno na i-adopt ang ‘bagong pilipinas’ logo at isama ito sa kanilang mga letter heads, websites, official social media accounts at iba pang dokumento at programa patungkol sa flagship programs ng pamahalaan.

Ang mga naunang presidente kay pangulong bongbong marcos ay mayroon ding kani-kaniyang leadership brand – para sa kaniyang ama na si Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ay ‘Bagong Lipunan’, si dating Pangulong Fidel V. Ramos naman ay ‘Philippines 2000’, ‘Strong Republic’ naman ang kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ‘Daang Matuwid’ naman kay dating Pangulong Benigno Aquino III.

Weng dela Fuente

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *