PHILJA, The Hague Academy, lumagda ng kasunduan para sa academic program sa PH
Opisyal nang nilagdaan ng Philippine Judicial Academy (PHILJA) at ng The Hague Academy of International Law (THAIL) ang terms of reference para sa pagsasagawa ng academic program sa Pilipinas.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, idinaos ang paglagda sa Historical Reading Room ng Peace Palace Library sa The Hague, The Netherlands.
Sina PHILJA Chancellor at Retired Supreme Court Associate Justice Rosmari Carandang at Secretary General Professor Jean-Marc Thouvenin ang pumirma sa kasunduan.
Sinabi ni SC Senior Associate Justice Marvic Leonen na ang dalawang linggo na academic program ay bahagi ng strategic roadmap ng Korte Suprema sa pagmodernisa sa proseso at sistema at pagpapabuti sa mga kakayahan ng mga hukom at court personnel.
Ayon naman kay Secretary General Thouvenin, napapanahon ang bagong programa sa pagitan ng Hague Academy at PHILJA na nakadisenyo para sa Pilipinas.
Umaasa naman si PHILJA Chancellor Carandang na magpapatuloy at maging regular ang nasabing aktibidad sa pagitan ng PHILJA at The Hague Academy.
Moira Encina