SIMs na nakarehistro umabot na sa 103M, July 25 deadline wala nang extension – NTC
Umabot na sa 105 milyong SIM cards o 61.6% ng active SIMs ang naka-rehistro na.
Sinabi ni Deputy Commissioner Paulo Salvahan ng National Telecommunication Commission (NTC) na wala nang plano ang ahensya na palawigin pa ang ikalawang deadline na nakatakda sa July 25, 2023.
Sa public hearing, sinabi ni Salvahan na ito ang naging diskusyon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Umaasa naman ang NTC na aabot pa hanggang sa 110 million ang maire-rehistrong SIM cards hanggang sa deadline sa July 25.
Muli namang nagpa-alala ang opisyal sa publiko na ang hindi pagpaparehistro ay magreresulta para hindi na magamit ang kanilang e-wallet kung made-deactivate ang kanilang SIM cards.
Gayunman, hindi raw ito mangangahulugang mawawala na rin ang kanilang pera na nasa kani-kanilang platforms.
Maaari namang mag-rehistro ng multiple SIMs matiyak lamang na ibibigay nila ang tamang impormasyon na kailangan para sa rehistrasyon.
Weng dela Fuente