PRRD hindi makakadalo sa SONA, pero detalye ng pulong kay Pres. Xi planong ibahagi kay PBBM
Bagama’t nag-kumpirma sa imbitasyon, hindi na rin makakadalo sa state of the nation address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ng malapit na kaalyado nitong si Senador Christopher ‘Bong’ Go, hindi na makakarating sa SONA si PRRD dahil napagod ito mula sa isang linggong byahe sa China.
Sabado nang gabi nakabalik sa Davao City ang dating Pangulo mula sa Beijing kung saan nagkaharap sila ni Chinese President Xi Jinping.
Inimbitahan ng China si Duterte para sa pagpapasinaya ng isang eskwelahan na ipinangalan sa kaniyang ina.
Sinabi ni Go na hindi na bagong bagay kung wala man sa SONA ni PBBM si Duterte.
“Actually, last year, hindi rin siya naka-attend kaya hindi na bagong bagay. Ngayong taon na ito, galing po siya sa China at pagod na pagod.” pahayag ni Senador Go.
“Pagka-alam ko hindi siya makakarating ngayong araw na ito, nasa Davao siya,” dagdag pa ng mambabatas.
Bagama’t may alalay at tungkod, sinabi ni Go na maayos naman ang lagay ng kalusugan ni Pangulong Duterte sa kaniyang edad na 78.
“So far, so good naman, at his age na 78 years old, though meron siyang cane at umaalalay sa kaniya, siguro weak yung legs niya, pero ok naman po,” paliwanag pa ni Go.
Tiniyak naman nitong manonood at susubaybay si PRRD sa talumpati ni Pangulong Marcos gaya ng ginagawa nito sa lahat ng isyu sa bansa.
Hindi pa raw sila nagkaka-usap pero nang tanungin kung may plano ba si Pangulong Duterte na ibahagi ang detalye ng pakikipagpulong kay President Xi, sinabi ni Go na may plano ukol dito ang dating pangulo.
“I’m sure alam ni former Pres yung obligation niya, meron siyang dapat na, may plano siya. Pagka-alam ko po may plano siyang sabihin,” pahayag pa ng senador.
Weng dela Fuente