NGCP nangakong bibilisan ang VisMin interconnection project
Suportado ng National Grid Corporation of the Philippines ang mga isinusulong na programa ni Pangulong Ferdinand Marcos jr. para sa supply ng kuryente.
Ayon sa NGCP, kanilang ibubuhos lahat ng kakayahan upang matapos ang mga transmission project at bibilisan din ang pagpapagawa ng iba pang nakalinyang proyekto ng ahensiya.
Kaya naman inihayag ng ahensya na prioridad nila ngayon na matapos sa lalong madaling panahon ang Visayas – Mindanao transmission interconnection project pati na ang stage 3 ng Cebu – Panay – Negros interconnection project.
Nanawagan din ang NGCP sa mga Local Government Units at mga pribadong stakeholders na aprubahan sa lalong madaling panahon ang mga right-of-way issues na karaniwang nagiging dahilan ng pagbagal ng mga proyekto ng NGCP.
Kinakailangan ang nagkakaisang pagkilos mula sa NGCP at lahat ng mga transmission stakeholders.
Alinsunod din sa kagustuhan ni PBBM na palakasin pang lalo ang pamumuhunan at paggamit ng mga renewable energy.
Nangangailangan ngayon ang NGCP ng higit na suportang teknikal mula sa State Grid Corporation of China para renewable energy integration.
Nagpapatuloy pa rin ang pagsisikap ng NGCP na patatagin ang mga transmission lines at transmission facilities para maiwasan ang malalang epekto ng mga kalamidad sa bansa.