LPA sa labas ng PAR isa nang tropical storm – PAGASA
Isa na ngayong tropical storm ang tropical depression na namataan sa labas ng Philippine Area of Reponsibility (PAR) at tinatayang aabot sa typhoon intensity pagsapit ng Sabado ng gabi o LInggo ng umaga.
Hanggang kaninang alas-kuwatro ng madaling araw, sinabi ng state weather bureau PAGASA na ang Tropical Storm Khanun ay tinatayang nasa 1,315 km sa silangan ng Eastern Visayas at kumikilos pa kanluran hilagang kanluran sa bilis na 15 kph.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 65 kph at bugso na aabot sa 80 kph, at inaasahang magpapatuloy na lumakas sa susunod na limang araw.
Sa pagpasok sa PAR tatawagin ang bagyo na Falcon ngunit hindi namang inaasahang magreresulta sa pagtaas ng wind signal sa alinmang bahagi ng bansa.
Gayunman, palalakasin ng papasok na bagyo ang epekto ng habagat.
Ayon sa PAGASA, southwest monsoon o habagat pa rin ang nakaka-apekto sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, kaya’t asahan ang tuloy na mga pag-ulan sa bahagi ng Ilocos region, Zambales, Bataan, bahagi ng Palawan kabilang ang Calamian, Cuyo, at Kalayaan Islands, Metro Manila, CALABARZON at MIMAROPA
Pinapayuhan pa rin ang publiko sa mga apektadong lugar na mag-ingat dahil sa mga posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Weng dela Fuente