4 na nawawalang PCG rescuers hinahanap pa rin
Patuloy pa rin ang ginagawang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG) sa 4 na rescuer nito na nawawala pa rin matapos tumaob ang sinasakyan nilang rescue boat.
Reresponde ang grupo ng nawawalang responder sa MTUG Iroquois noong July 26 para sagipin ang pitong tripulanteng sakay nito pero habang binabaybay nila ang Cagayan River, tumaob ang kanilang aluminum boat dahil sa malakas na hangin at malalaking alon.
Nitong Linggo nagsagawa ng aerial at surface SAR operations ang PCG.
Sa pinakahuling report ng PCG ngayon, natagpuan na ang aluminum boat na ginamit ng apat na nawawalang rescuers.
Ayon sa Coast Guard District North Eastern Luzon, namataan ito ng MV Eagle Ferry habang palutang-lutang, pitong milya mula sa Calayan Island.
Sinabi naman ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu, sa kabila ng pangyayaring ito ay nananatili ang Coast Guard sa patulong sa mga kababayan lalo na sa panahong ito ng kalamidad.
Alam naman aniya nila ang panganib ng kanilang trabaho pero ito ay bahagi ng kanilang serbisyo sa publiko.
Madelyn Villar Moratillo