Natagpuang buto sa septic tank ng Bilibid, hindi sa tao kundi sa manok, batay sa pagsusuri ng NBI
Nagsagawa ng pagdinig ang Senado sa Bureau of Corrections (BuCor) sa Muntinlupa City ukol sa iba’t ibang isyu sa New Bilibid Prisons partikular na sa sinasabing mass grave sa septic tanks sa piitan at pagkawala ng isang inmate.
Lumalabas na hindi buto ng tao kundi ng manok ang nakuha sa septic tank sa New Bilibid Prisons.
Ito ang sinabi ng NBI sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights na isinagawa sa Bureau of Corrections headquarters sa Muntinlupa City ukol sa sinasabing mass grave sa septic tank sa Bilibid.
Ayon kay Dr. Annalyne Dadiz ng NBI Medico Legal Division, batay sa isinagawa nilang pagsusuri ay hindi buto ng tao ang nakita sa septic tank ng Bilibid.
“We have one piece of bone and this is not human origin.” Pahayag ni Dr. Annalyne Dadiz
“Nagtanong si Senador tolentino para kumpirmahin kung ito ay sa tao. Sagot naman ni Dadiz: hindi po”
Para mabatid ito ay nagsagawa aniya ang NBI ng forensic identification at verification sa buto.
“Thru this process we made use of elimination and comparison and we concluded it is not of human origin” paliwanag pa ni Dadiz
Posible naman aniyang buto ng manok o chicken leg bone ang nakita sa septic tank.
Nilinaw naman ng NBI na hindi mababatid sa isinagawang forensic kung may human remains sa septic tank at kung ano ang pinagmulan ng buto at iba pang nakuhang gamit sa septic tank gaya ng underwear, lighter at razor.
Matatandaang sa septic tank naamoy at itinuro ng search and rescue dogs ang sinasabing bangkay ng missing inmate na si Michael Cataroja.
Pero dahil sa walang natagpuang katawan at nabatid din sa NBI findings na hindi buto ng tao ang nasa septic tank, sinabi ni Catapang na sa isa sa mga anggulo na kanilang tinitingnan at ang pakiramdam niya ay tumakas si Cataroja.
Si Cataroja ay napaulat na nawawala noong July 15.
Ayon pa kay Catapang, pinapunta ni Catapang sa mga tauhan ng BuCor ang pamilya ng PDL sa Angono, Rizal
Pero parang wala aniyang emosyon ang mga kamag-anak ni Cataroja nang sabihing nawawala ito.
“Mukhang nagtago nagtataka po kami bakit yung ina nung pinuntahan namin sa bahay wala man lang alinlangan walang reaksyon parang di siya nangamgamba nangungulila” pahayag ni Bucor Chief Catapang
Duda naman si Senador Robinhood Padilla kung bakit nakasama pa sa bilangan ng Sputnik Gang kung saan kabilang si Cataroja noong umaga, tanghali at hapon ng July 15 pero noong gabi ay wala na ito.
“Nabilang po ng umaga, nabilang ng tanghali ala sais nawawala na? Ala sais nagreport po siya sa akin nawawala po isang tao..sir parang mahirap nabilang siya ng hapon nawawala ng ala sais” pagdududa na patanong ni Senator Padilla
“Kung si Senador Bato dela Rosa na dating BuCor chief ang tatanungin, naniniwala rin siyang hindi nakatakas ang PDL kundi ito ay pinatay sa loob.” Pahayag pa ng senador.
“This is maximum security compound kahit na siraulo guwardya pinaka-corrupt na correction officer dito never yan papayag makalaya isang tao, insulto buong bucor at sa buong gobyerno never mangyari i dont think so makalayas… ako malakas ang kutob dito lang sa loo nilibing yan somewhere.” mariing pahayag naman ni senador Dela Rosa.
Pagkatapos ng pagdinig, inikot ng mga senador ang mga septic tank sa Bilibid at maging ang mess hall at kitchen ng PDLs.
Moira Encina