DFA iginiit na walang nilalabag na batas ang pagdeploy sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal
Idinipensa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang deployment ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ito ay matapos na hilingin ng Chinese Foreign Ministry na tanggalin ng Pilipinas sa Ayungin Shoal ang nasabing warship na umano’y iligal na istranded sa lugar.
Ayon kay DFA Spokesperson Assistant Secretary Ma. Teresita Daza, nasa karapatan ng Pilipinas at walang nilalabag na anumang mga batas ang pagkakaroon ng military station nito sa sariling areas of jurisdiction ng bansa.
Sinabi ni Daza na noon pang 1999 idineploy ang BRP Sierra Madre bago pa ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC) noong 2002 kaya hindi rin ito paglabag sa nasabing deklarasyon.
Ito ay pagtugon din aniya ng Pilipinas sa iligal na okupasyon ng Tsina sa Panganiban Reef noong 1995.
Muling iginiit ng DFA na ang Ayungin Shoal ay parte ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Binigyang-diin muli ng kagawaran na ang resupply mission at pagkumpuni sa barko ay bahagi ng regular na operasyon na alinsunod sa domestic at international laws at upang matiyak ang kaligtasan ng tropang militar.
Wala pang pahayag ang DFA ukol naman sa sinabi ng Tsina na nangako ang Pilipinas sa mga nakaraan na aalisin nito ang warship nito sa nasabing lugar.
Moira Encina