SC idineklara si Roberto Uy Jr bilang nanalong kinatawan ng Zamboanga del Norte First District
Iprinoklama ng Korte Suprema si Roberto ‘Pinpin’ T. Uy, Jr. bilang nanalong kinatawan ng unang distrito ng Zamboanga Del Norte.
Sa ruling na isinulat ni Supreme Court Associate Justice Mario Lopez, pinagtibay nito ang consolidated petitions ni Uy at isinantabi ang mga resolusyon at kautusan ng Commission on Elections (Comelec) noong 2022 dahil sa grave abuse of discretion.
Sa desisyon ng SC ay ipinawalang- bisa ang pagproklama kay Romeo “Kuya Jonjon” Jalosjos, Jr.
Ang mga kandidato noong 2022 elections bilang Zamboanga del Norte First District Representative ay sina Uy, Romeo Jalosjos Jr., Frederico “Kuya Jan” Jalosjos at Richard Amazon.
Naghain naman si Romeo Jalosjos ng petisyon noong November 6, 2021 para ideklarang nuisance candidate at kanselahin ang certificate of candidacy (CoC) ni Frederico Jalosjos dahil sa kawalan umano ng bona fide intention para kumandidato.
Noong April 19, 2022 ay idineklara naman ng poll body na nuisance candidate si Frederico Jalosjos pero naghain ito ng apela.
Sa eleksyon noong May 9, 2022, nakatanggap ng boto si Uy na 69,591 habang si R. Jalosjos ay may 69,109 boto.
Si F. Jalosjos ay may 5,424 votes at Amazon ay may 288 votes.
Naghain naman ng mosyon si R. Jalosjos para suspendihin ang proklamasyon ni Uy.
Ani Romeo Jalosjos Jr., siya umano ang nanalo dahil dapat sa kaniya napunta ang boto para kay F. Jalosjos na nuisance candidate.
Sinabi ng SC sa ruling nito na umabuso ang Comelec nang suspendihin ang proklamasyon ni Uy.
Iginiit ng Korte Suprema na dapat maideklara nang walang “unnecessary delays” ang kandidato na nakakuha ng pinakamataas na boto.
Ayon pa sa Korte Suprema, iregular ang pakikialam ng Comelec chair sa proklamasyon sa pamamagitan ng direktang pagtawag sa Provincial Board of Canvassers chair upang kumpirmahin ang suspension.
Ang Comelec chair sa nasabing panahon ay si Saidamen Pangarungan.
Moira Encina