Limang Chinese na suspek sa Las Piñas POGO raid, naghain ng kontra-salaysay sa DOJ
Pinasinungalingan ng limang Chinese na suspek sa sinalakay na cyber scam hub sa Las Piñas noong Hunyo ang alegasyon ng human trafficking laban sa kanila.
Ito ay batay sa inihaing kontra-salaysay ng mga abogado ng mga dayuhan sa Department of Justice (DOJ).
Pinanumpaan ng dalawa sa Chinese suspects sa DOJ ang counter- affidavit habang ang tatlo na una nang pinalaya ay sa ibang lugar nanumpa ng kanilang sagot sa paratang.
Ayon pa sa mga abogado ng mga dayuhan, nadamay at nagkataong bumisita lang sa lugar ang kanilang mga kliyente nang salakayin ng PNP- Anti- Cybercrime Group ang sinasabing POGO hub sa Las Piñas.
Mayroon din umano na “big boss” na sinasabi ang PNP na hindi naman matukoy ng mga ito at hindi direktang matukoy ng pulisya ang kanilang mga kliyente.
Sinabi rin ng mga abogado na tila ngayon lang nagsasagawa ng case build-up ang PNP dahil sa mga idinadagdag na mga bagong reklamo ng pulisya.
Gayunman, handa naman aniya nilang sagutin ang mga bagong paratang laban sa mga Chinese.
Itinakda ng DOJ ang susunod na hearing sa reklamo sa August 30.
Moira Encina