Mahigit 100 tauhan ng BuCor sinibak dahil sa pagpasok ng mga kontrabando; 40 inmates na may katarata, inoperahan

Ni-relieve na sa puwesto ang nasa 100 tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) na dawit sa pagpasok ng mga kontrabando sa New Bilibid Prisons.

Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na iniimbestigahan na ang mga nasabing BuCor personnel.

“Yung mga matitigas ang ulo talaga Scalawags na tawag ko diyan hindi na empleyado… they are just required to stay in in their barracks para kung kailangan ipatawag sila they are available for investigation” pahayag ni BuCor Director General Gragorio Catapang Jr.

Sa 100 na isinasangkot, 20 aniya sa mga ito ay mga opisyal ng BuCor.

Ayon kay Catapang, ang mga BuCor officer mismo ang pasimuno sa pagpuslit ng mga kontrabando sa Bilibid.

“Sila talaga ang mga culprit of course may kasamahang pdl, yan ang problema ko problema na yung pdl problema pa yung tao” paliwanag pa ng BuCor Director

Lahat din umano na klase ng kontrabando na kayang ilusot ay pinapayagan na makapasok ng mga tiwaling tauhan ng BuCor.

“Ipinagbawal ang alak ngayon naman ang ginamit yung yeast yung paggawa ng tinapay ginagawang lambanog ipinagbawal drugs, ngayon naman panay kalapati pinag-aalaga nila doon tapos sinasanay kalapati sa hawla pag bumisita kamaganak nilalagyan kung anu anong epektos pera syempre kalapati uuwi babalik sa pugad” diin pa ni Catapang

Noong nakaraang linggo inanunsiyo ng BuCor na isinuko ng ilang inmates ang ilang mga kontrabando gaya ng hand grenade, sumpak, ice picks, appliances at construction materials.

Samantala, dinala sa isang eye center sa Maynila ang inisyal na 40 Bilibid PDLs na may katarata sa mata para ma-operahan.

“Mga senior citizens saka malapit na mabulag yun ang inuna ko sayang naman kawawa naman sila” dugtong pa ni Catapang

Pinangunahan ni Catapang ang paghatid sa mga PDLs.

Sa kabuuan ay nasa 100 inmates ang kinakailangan na sumailalim sa cataract operation.

Pagkatapos na ma-operahan sa mga mata, pupuntahan na lamang sa Bilibid ang mga inmate ng mga doktor para sa kanilang check- up at patuloy na gamutan.

“Lalong kami masisiyahan pati ang ang aming pamilya kung kami ay makakalaya” pahayag naman ng PDL na mao-operahan

Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *