DOT, humihirit ng dagdag na pondo para sa 2024
Photo : House Committee on Appropriations
Umapela si Tourism Secretary Christina Frasco sa mga mambabatas ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na marekonsidera pa ng mga kongresista ang kanilang 2024 proposed budget.
Ginawa ni Frasco ang pakiusap sa deliberasyon ng budget ng Department of Tourism ( DOT ) sa House Committee on Appropriations.
Sinabi ng Kalihim na nagkaroon ng 20 porsiyento na pagbaba sa panukalang pondo ng DOT para sa susunod na taon.
Ayon kay Frasco, mula sa kasalukuyang P3.73 billion ngayong taon ay ginawang P2.99 billion lang ang pondo ng DOT na inilagay sa 2024 proposed National Expenditure Program.
Binigyang diin ng Tourism Chief na batay sa pahayag ng economic managers ng pamahalaan, ang turismo ang isa sa nangungunang sektor na may malaking ambag sa economic growth ng bansa.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority ( PSA ) 6.2% ang ambag ng turismo sa Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas.
Ibinida ni Frasco na sa unang anim na buwan nitong taon, umabot na sa 3.4 million ang foreign tourist arrivals sa bansa o 71% ng kabuuang 2023 target na 4.8 million na foreign tourist arrivals.
Iginiit ni Frasco na puspusan ang gagawing kampanya ng DOT sa mga tourist destination sa bansa upang makahikayat pa ng karagdagang dayuhang turista.
Vic Somintac