SC nag-isyu ng writ of kalikasan laban sa DENR at mining operators sa Mt. Mantalingahan, Palawan
Naglabas ng writ of kalikasan ang Korte Suprema laban sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Mines and Geosciences Bureau (MDB) at dalawang mining operators sa Mt. Mantalingahan, Palawan.
Ito ay matapos pagtibayin ng Supreme Court En Banc sa deliberasyon nila noong Martes, August 15 ang petisyon na inihain ng indigenous cultural communities ng BICAMM Ancestral Domain sa Brooke’s Point, Palawan laban sa DENR, MGB, Iplan Nickel Corporation at Celestial Nickel Mining and Exploration Corporation.
Sa desisyon ng SC, inatasan nito ang mga nasabing respondent na maghain ng verified return of the writ sa loob ng 10 araw.
Ayon sa Korte Suprema, nabatid na may posibilidad ng seryoso at irreversible na panganib at pinsala sa kapaligiran at sa mga naninirahan sa Brooke’s Point sa Mt. Mantalingahan Mountain Range ang mga operasyon ng mga minahan.
Inatasan pa ng SC ang mining firms na magbigay ng ebidensya para alisin ang mga pangamba sa mga masamang epekto sa kalikasan ng kanilang operasyon.
Pinuna pa ng SC ang kawalan ng aksyon ng DENR at MGB sa mga apela ng mga residente ng Brooke’s Point.
Sinabi ng Korte Suprema na nagpapakita ito ng “indifference” ng mga nasabing ahensya sa mga karapatan ng indigeneous cultural communities para sa balanced at healthful ecology.
Moira Encina