Klase sa public school at pasok sa gobyerno suspendido sa Aug. 25 para sa FIBA World Cup 2023
Sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pasok sa lahat ng antas ng pampublikong paaralan at pasok sa mga ahensya ng gobyerno sa Metro Manila at Bulacan sa August 25 para bigyang-daan ang opening ceremony ng FIBA Basketball World Cup 2023.
Nakatakdang isagawa ang nasabing sporting event sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Sa Memorandum Circular no. 27 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong August 15, isinaad na ang suspensyo ng pasok sa gobyerno at klase sa pampublikong paaralan sa nasabing petsa ay bahagi ng commitment ng gobyerno para sa mas malawak na pakikilahok at partisipasyon sa sports promotion and development.
Binigyang-diin pa ng Pangulo sa kautusan na ang suspensyon ay bahagi ng “government’s effort to provide full support and assistance to the Philippine Sports Commission (PSC) in ensuring the safe, orderly, and successful opening ceremonies of the FIBA Basketball World Cup 2023.”
Nilinaw naman ng Pangulo sa kautusan na hindi maaapektuhan ang serbisyo ng gobyerno kung sinuspinde man ang pasok sa araw na nabanggit.
“Government agencies involved in the delivery of basic and health services, preparedness/response to disasters and calamities, and/or the performance of other vital services “shall continue with their operations and render the necessary services,” paliwanag pa sa ibinabang EO ng Pangulo.
Ipinau-ubaya naman ng Pangulo sa mga pinuno ng pribadong paaralan at kumpanya kung magsusupinde rin ng pasok sa kani-kanilang nasasakupan.
Weng dela Fuente